Moira, nagwagi sa 8th Wish Music Awards

Author: Mikoy Fernandez

Nagwagi ang Most Streamed Filipina Artist na si Moira Dela Torre sa kaabang-abang na 8th Wish Music Awards na ginanap noong gabi ng January 22, 2023 (Linggo) sa Araneta Coliseum, Quezon City. Nanalo si Moira ng dalawang award: Wish Artist of the Year award at Wish Ballad Song of the Year award para sa “Kumpas.” Bilang recipient ng dalawang award, makakakuha ng tig-P100,000 na donasyon ang Virlanie Foundation, Inc., ang napiling charity ni Moira, at si Moira mismo ay makakakuha ng tig-P25,000 na cash prize.

Si Moira rin ang pinarangalan bilang Wish Artist of the Year sa 7th Wish Music Awards na ginanap noong 2022. Dahil dito’y pangalawang OPM artist na si Moira na nanalo nang higit sa isang beses ng nabanggit na parangal (si Morissette ang isa pang OPM artist na nakuha na ang Wish Artist of the Year award nang dalawang beses mula nang ito’y isama sa listahan ng mga parangal noong 3rd Wish Music Awards). Pinalitan ng Wish Artist of the Year award ang Wish Female Artist of the Year award at Wish Male Artist of the Year award na binigay lamang noong una at ikalawang Wish Music Awards.

“I dedicate this to everybody who have felt lost, who have felt like they don’t know where to go. But if there’s anything that I’ve learned in the last few months, it’s that if nothing goes to plan, God is a much better planner, than we will ever be,” sabi ni Moira sa kanyang acceptance speech para Wish Ballad Song of the Year award. 

“I think the difference between the Moira then and the Moira now is that today I accept this award not hiding behind the people that make me better, but fully embracing myself knowing that I stand before you fully confident and knowing my worth,” diin ni Moira sa kanyang acceptance speech para sa Wish Artist of the Year award.

Kumanta rin si Moira bilang guest performer sa awards night kasama ang kanyang banda. 

Mapapanood si Moira Dela Torre sa kanyang solo concert sa February 3, 2023 na gaganapin sa Araneta Coliseum. Itong concert ang simula ng kanyang 2023 World Tour kung saan tutugtog siya sa Qatar, USA, at Canada mula February hanggang April. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tour, maaaring bisitahin ang bit.ly/MoiraTour2023.

©️ 2023 Cornerstone Entertainment, Inc. All Rights Reserved.